08/10/2026
"ANG TUNAY NA PAGMAMAHAL SA PANGINOON AY NAKIKITA SA PAGMAMAHAL NATIN SA KAPWA"🙏
"Hare Krishna Hare Krishna
Krishna Krishna Hare Hare
Hare Rama Hare Rama
Rama Rama Hare Hare"🙏
May mga taong nagsasalita tungkol sa Diyos, nagdarasal nang taimtim, umaawit ng Kanyang Banal na Pangalan, at nagsasabing mahal nila ang Panginoon.
Ngunit may isang tanong na tahimik na ibinubulong ng puso:
Kung tunay nating minamahal ang Panginoon, paano natin minamahal ang Kanyang mga nilalang?
Sapagkat ang bawat nilalang ay bahagi ng Kanyang nilikha.
Kung tayo ay mabuti sa Panginoon ngunit malupit sa kapwa, mapagmataas sa mahina, mapanghusga sa nagkamali, mapanakit sa taong walang laban, o tumutulong lamang kapag may kapalit na pagpapahalaga marahil kailangan pa nating matutunan ang lalim ng tunay na Bhakti.
Ang tunay na debosyon ay hindi lamang nakikita sa ating mga salita sa harap ng altar.
Nakikita ito sa pasensiya kapag tayo ay sinusubok.
Sa kababaang loob kapag tayo ay pinupuri.
Sa pagpapatawad kapag tayo ay nasaktan.
Sa pagiging maawain kahit walang nakakakita.
At higit sa lahat, sa kakayahang gumawa ng mabuti nang walang hinihintay na kapalit.
Ang taong tunay na lumalapit kay Krishna ay unti unting natututong makita ang halaga ng bawat buhay.
Hindi ibig sabihin na kailangan nating hayaan ang iba na abusuhin tayo.
Ang pagiging mabuti ay hindi pagiging mahina.
Maaari tayong magtakda ng hangganan nang walang galit.
Maaari tayong lumayo nang walang p**t.
Maaari nating sabihin ang katotohanan nang walang panlalait.
Maaari tayong hindi gumanti kahit nasaktan tayo.
At maaari tayong magpatawad kahit hindi na bumalik ang taong nanakit sa atin.
Dahil ang tunay na Bhakti ay hindi lamang “Mahal ko si Krishna.”
Ito rin ay:
“Panginoon, turuan Mo akong magmahal tulad ng isang taong tunay na iyong lingkod.” 🙏
Kapag may taong walang makapitan maging kamay na tutulong.
Kapag may pusong umiiyak maging presensiyang hindi manghuhusga.
Kapag may taong nagkamali maging paalala, hindi kahihiyan.
Kapag may taong nanakit sa atin huwag nating hayaang ang sakit nila ay maging dahilan upang mawala ang kabutihan sa ating puso.
Huwag nating gawing dahilan ang kasamaan ng iba upang tayo naman ay maging masama.
Dahil hindi natin kailangang maging katulad ng taong nanakit sa atin.
Piliin nating maging mabuti dahil si Krishna ang nasa puso natin.
At kung minsan ay hindi natin kayang magmahal nang malalim, magsimula tayo sa isang simpleng bagay:
Huwag manakit.
Huwag manghamak.
Huwag manlinlang.
Huwag manira.
Huwag manghusga agad.
At kung may kakayahang tumulong tumulong nang bukal sa puso.
Ang kabutihang ginagawa para sa kapwa ay maaaring maging isang tahimik na panalangin kay Krishna.
Hindi kailangan itong makita ng mundo.
Hindi kailangan itong i-post.
Hindi kailangan itong ipagsigawan.
Sapat nang malaman ng Panginoon.
Sapagkat ang pinakamagandang kabutihan ay yaong ginagawa natin kahit walang nakakakita at walang makapagpapasalamat.
At marahil, iyon ang isa sa pinakamagandang paraan upang sabihin natin:
“Krishna, hindi man ako perpekto, nais kong maging Iyong instrumento ng pagmamahal.”🙏
"O SupremeLord Shri Krishna,
linisin mo po ang aking puso sa galit, inggit, pagmamataas, paghihiganti at sama ng loob.
Turuan mo akong maging mabuti hindi lamang sa mga taong mabuti sa akin, kundi maging sa mga taong hindi ko nauunawaan.
Bigyan mo ako ng pusong marunong magpatawad, ngunit marunong ding magtakda ng tamang hangganan.
Bigyan mo ako ng karunungan upang hindi ako makapanakit sa ngalan ng aking sariling sakit.
At kapag ako naman ang nasaktan, tulungan mo akong huwag mawalan ng kabutihan sa aking puso.
Gawin mo akong isang maliit na instrumento ng iyong prema Bhakti isang taong nagbibigay ng kabutihan, kapayapaan, awa at pagmamahal.
Hindi para purihin ako ng mundo, kundi upang mapasaya ka.
O SupremeLord Shri Krishna, gawin mo pong dalisay ang aking puso upang sa bawat kapwa na aking makasalubong, makita ko ang iyong nilalang at tratuhin ko siya nang may respeto, awa at pagmamahal.
"Hare Krishna Hare Krishna
Krishna Krishna Hare Hare
Hare Rama Hare Rama
Rama Rama Hare Hare"🙏
JayaDeva Das
“Nawa'y ang bawat kabutihang ginagawa natin ay maging alay sa Lotus Feet ni SupremeLord Shri Krishna.”🙏
"Kung may taong makakabasa nito na kasalukuyang nasasaktan, pagod, o nawawalan ng pag asa nawa'y maalala niya hindi kailangang mawala ang kabutihan sa kanyang puso dahil lamang sa kasamaan na kanyang naranasan.
Choose kindness. Choose humility. Choose forgiveness. Choose Bhakti. Choose Krishna."🙏